Masusing pinag-aaralan na ng Department of Agriculture (DA) ang hiling ng grupo ng magbababoy at swine industry para sa Emergency Use Authorization (EUA) ng bakuna kontra African Swine Fever (ASF).
Kasunod ito ng liham ng grupong AGAP kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, na humihiling na hikayatin nito si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ideklara ang ASF outbreak bilang isang national emergency.
Ito ay para mapayagan na ang malawakang paggamit ng mga bakuna na kasalukuyang isinasailalim sa controlled trials ng Bureau of Animal Industry.
Ayon kay Sec. Laurel, kailangan ang deklarasyon ng Pangulo para mabigyan ng “go signal” ang Emergency Use Authorization ng bakuna.
Una nang sinabi ng DA na plano nitong maging commercially available na rin ang bakuna kontra ASF bago matapos ang taon.
Punto rin ng DA, mahalagang mabilis na mapalawak ang bakunahan sa bansa lalo’t nananatiling mataas pa rin ang bilang ng mga lugar na may aktibong kaso ng ASF. | ulat ni Merry Ann Bastasa