Binigyang diin ngayon ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel ang pangangailangan na makapagpasa ng isang Anti-Dynasty Law.
Ang panawagan ng mambabatas ay sa gitna na rin ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa 2025 midterm elections.
Aniya, dapat nang isalang sa pagtalakay ang mga panukalang naihain sa Kamara pabalik ng sesyon upang maihabol bago matapos ang 19th Congress.
Sabi pa ni Manuel, dapat mag-inhibit sa pagtalakay ang mga bahagi ng political dynasty.
“Dapat isalang na ito when session resumes in Nov. Mag-inhibit ang lahat ng kabilang sa political dynasty. Palakihin, ‘wag pakitirin, ang puwang para sa taumbayan sa pamamahala,” saad ni Manuel sa isang post sa X (dating Twitter).
Hamon pa niya sa mga kapwa mambabatas at administrasyon, na isama sa legislative priorities ang Anti-Dynasty Law. | ulat ni Kathleen Forbes