Siniguro ni House Speaker Martin Romualdez sa harap ng halos isang milyong public school teachers ang buong suporta ng Kamara para sa mga guro sa pamamagitan ng pagsusulong ng mas mataas na sweldo, dagdag benepisyo gayundin ang sapat na kagamitan sa pagtuturo.
Sa ginanap na pagdiriwang ng 2024 National Teacher’s Month sa Araneta Coliseum sinabi ng House leader na batid nila sa kongreso ang mga hamong kinakaharap ng mga guro.
Kaya naman tinitiyak nila ang suporta sa mga guro hindi lang sa pamamagitan ng mga batas na kanilang ipinapanukala ngunit lalo sa pagpapabuti ng kapakanan at kalagayan ng mga guro.
Kasama na aniya dito ang mas mataas na sweldo, karagdagang mga benepisyo, training at mga oportunidad na mahasa ang kanilang kakayanan gayundin ang pagtatayo ng mga dagdag na classroom at pagkakaloob ng mga kagamitan tulad ng laptop at computer.
“Nagbubulungan kami ni Secretary Angara kanina at kinonsulta ko ang chair[person] of Appropriations (Committee) ng House, at sisiguraduhin natin na magdadagdag tayo ng mga classroom buildings at mga equipment, kagaya ng laptops at computers,” ani Romualdez.
Hindi rin aniya salita lang ang mga ito dahil tinitiyak ng administrasyong Marcos na palalakasin ang hanay ng mga guro para na rin sa kinabukasan ng mga kabataan.
“Our promise will definitely not end up as mere lip service. The administration of President Marcos will make sure that you are equipped with all the necessary tools that will advance your chosen career, but will also ultimately redound to the benefit of our future leaders,” dagdag pa niya
Kasabay nito, binigyang pugay ng House chief ang mga guro na wala aniyang kapagurang umaalalay sa mga mag-aaral upang sila ay matuto at maihanda sa realidad ng buhay.
“Your devotion and dedication, not to mention your passion, to work is beyond question. And we are all grateful for that. You have made it your vow to nourish our children into making them productive citizens of our progressing society,” sabi pa ni Speaker Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes