Suportado ni Senate President Pro Tempore at Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada ang rekomendasyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na amyendahan ang Espionage law ng bansa.
Katunayan ayon kay Estrada, pagbukas pa lang ng second regular session ng 19th Congress ay nakapaghain na siya ng panukala tungkol dito (Senate Bill 2368).
Inihain aniya ito ng senador bago pa man naimbestigahan ang isyu tungkol kay dismissed Mayor Alice Guo.
Sa isinusulong na amyenda ni Estrada, pinapalawak ang coverage ng espionage law para matugunan ang cyber espionage.
Tugon aniya ito sa umuusbong na banta at technological advancements na maaaring makakompromiso sa seguridad ng Pilipinas.
Nakapaloob rin dito ang pagpapatupad ng mas mabigat na parusa kabilang ang habang buhay na pagkakakulong at multang hanggang P1 milyong gayundin ang pagpapalakas ng seguridad sa mga impormasyon ng gobyerno.
Huling nagkaroon ng pagdinig ang pinamumunuan ni Estrada na Senate Committee on National Defense noong May 22, at matapos nito ay bumuo ng technical working group (TWG) para ayusin ang panukala. | ulat ni Nimfa Asuncion