Mula sa pagkakaroon ng Quad Committee, pinagtibay ng Kamara ang isang resolusyon para naman buoin ang isang Quinta Committee.
Salig sa House Resolution 2036 na iniakda nina Speaker Martin Romualdez at House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, tututukan ng Quinta Committee ang pagtugon sa presyo at suplay ng pagkain.
Ang Quinta Committee ay bubuohin ng House Committees on Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services, at Special Committee on Food Security.
Si Albay Representative Joey Salceda, House Tax chief ang mangunguna sa pagdinig.
Giit nina Romualdez at Gonzales, hiwa-hiwalay sa ngayon ang imbestigasyon ng limang komite tungkol sa isyu ng zero hunger at food security.
Kaya naman mas mainam ang pagkakaroon ng joint committee para mas epektibong matalakay ang mga isyu.
“During these inquiries, it is apparent that one Committee cannot individually tackle the measures covering zero hunger and food security without encroaching with the jurisdiction of the other Committees,” sabi ng mga may-akda ng resolusyon.
Binibigyan ang Quinta Committee ng motu proprio powers upang imbestigahan ang mga programa ng gobyerno kaugnay ng pagtugon sa smuggling at price manipulation ng pangunahing bilihin, problema ng kagutuman at pagtiyak ng food and nutrition security.
Isang komprehensibong report ukol sa posibleng remedial legislations ang bubuoin ng komite para resolbahin ang naturang mga isyu. | ulat ni Kathleen Jean Forbes