Maaga pa lang ay mahaba na ang pila ng mga mamimili sa bentahan ng murang bigas sa National Irrigation Administration (NIA) ngayong umaga.
Bahagi pa rin ito ng Bagong Bayaning Magsasaka Rice na bunga ng Rice Contract Farming Program ng ahensya.
Ayon sa NIA, 1,000 bags ng ₱29 per kilo ng bigas ang nakatakdang ibenta sa mga benepisyaryong senior citizen, solo parents, PWDs, at 4Ps simula mamayang alas-8 ng umaga.
Isa si Nanay Erlinda sa mga naunang pumila rito sa NIA para maagang makabili ng murang bigas.
Ayon sa kanya, suki na siya ng bentahan ng murang bigas dahil sa masarap itong isaing at malaki rin ang natitipid niya rito.
Matiyaga ring pinipilahan ni Nanay Celementia ang murang bigas sa NIA dahil sa higit ₱200 ang natitipid niya rito kumpara sa pagbili ng bigas sa palengke.
Habang si Tatay Reginaldo, umaasang magtuloy-tuloy ang pag-aalok ng pamahalaan ng murang bigas na malaki aniya ang naitutulong sa mga mahihirap. | ulat ni Merry Ann Bastasa