Mariing kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang napaulat na pangmomolestiya ng isang high school principal sa kaniyang mga menor de edad na estudyante.
Kasunod ito ng pagkakaaresto ng Quezon City Police District (QCPD) sa principal nitong linggo kung saan natukoy na pawang mga lalaking Grade 10 students ang biktima nito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Joy na hindi kailanman kukunsintihin ang ganitong gawi sa QC. Kasunod nito, tiniyak ng alkalde na magkakaroon ng masusing imbestigasyon sa kaso.
Handa rin itong magpaabot ng tulong-ligal sa mga biktima upang lalong mapatibay ang kaso laban sa akusado.
“Nananawagan din tayo sa iba pang posibleng mga biktima na magsalita, upang matiyak na maparurusahan ang may sala at makamit ang hustisya,” ani Mayor Belmonte.
Nagpaalala naman ang alkalde sa mga guro at mga opisyal ng paaralan na gampanan ang tungkulin na bantayan, at pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante. | ulat ni Merry Ann Bastasa