Tiniyak ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Partylist na isusulong nila sa Kongreso ang karampatang ayuda, benepisyo at programa para sa mga bumbero, kanilang pamilya gayundin sa mamamayang Pilipino.
Ang naturang pahayag ay kasabay ng paghahain ng Ang Bumbero ng Pilipinas Partylist ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa Manila Hotel Tent City sa pangunguna ng nominee na sina President Jose Antonio ‘Ka Pep’ Goitia, Vice President Lenin Bacud, at secretary general Carl Plantado para sa 2025 elections.
Bago ang nasabing paghahain ng COC, nagmartsa ang mahigit 500 lider at kasapi mula sa iba’t ibang alyansa, multi-sectoral, NGOs, at organisasyong masa patungo sa Quirino Grand Stand, Ermita sa Maynila, upang ipakita ang mainit na pagsuporta sa tunay na ABP Party-list.
Ayon kay Rodolfo “RJ” Villena Jr., ang punong tagapagtipon ng nasabing pagkilos, nais umano nilang ipakita ang mainit na pagsuporta ng malawak na mamamayan sa tunay na Ang Bumbero ng Pilipinas o ABP Partylist.
“Ang pagkilos namin sa araw na ito ay patunay na hindi kami lalahok bilang party-list bagkus kami ay susuporta sa mga kandidato at party-list na magsusulong at maninindigan sa mga programa at polisiya ng Administrasyong Marcos Jr. lalong-lalo na sa isyu na pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea,” ani Villena.
Pinasalamatan naman ni Goitia ang mainit na pagpapakita ng suporta at pag-eendorso ng malawak na mamamayan sa pamamagitan ng pagpirma ng mga lider ng iba’t ibang samahan sa isang “Joint Resolution,” kung saan nanindigan din ito na kaniyang isusulong sa kongreso ang karampatang Ayuda, Benepisyo at Programa para sa mga bumbero at kanilang pamilya. | ulat ni Michael Rogas