Naghain ng kandidatura sa pagka-kongresista sa ikalimang distrito ng Iloilo si ex-Congressman Niel “Junjun” Tupas Jr. ngayong Lunes, Oktubre 7.
Naghain siya ng kanyang kandidatura sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC) para sa 2025 midterm elections. Sa pahayag ni Tupas, sinabi niya na nais niyang ibalik ang malinis na pamamahala sa ikalimang distrito, na siyang legasiya rin ng kanyang ama na si dating Iloilo Gov. Niel Tupas Sr.
Makakaharap ni Tupas ang kanyang hipag na si Board Member Binky Tupas, na asawa ng kanyang kapatid na si incumbent 5th District Congressman Raul “Boboy” Tupas, na tatakbo ring bise gobernador sa 2025 midterm elections.
Kasama ni Junjun Tupas sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ang isa pa niyang kapatid na si dating Barotac Viejo Mayor Niel “Beng” Tupas III at Atty. Rolex Suplico, na naghain din ng kanilang kandidatura para sa pagka-board member ng 5th District. | ulat ni Merianne Grace Ereñeta | RP1 Iloilo.