Kinokondena ng National Security Council (NSC) ang ginawang pangha-harass ng China sa mga mangingisda ng Vietnam sa Paracel Island, sa South China Sea (SCS) na pasok naman sa teritoryo ng Vietnam.
“Mariin po nating kinokondena itong nangyaring insidenteng ito laban sa mga mangingisda ng Vietnam naman. At hindi po tayo puwedeng manahimik dito kasi remember, ginagawa rin ng Chinese Coast Guard at ng Chinese Maritime Militia iyan ganiyang pangha-harass at pang-i-intimidate at mga karahasan dito sa ating bansa.” — NSC Assistant Director General Jonathan Malaya.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Malaya na hindi maaaring manahimik ang Pilipinas sa mga ganitong insidente ng pamba-braso ng China hindi lamang sa bansa, bagkus sa mga kalapit bansa nito sa Timog-Silangang Asya.
“Doon iyong tinatawag internationally as the Paracel Islands. At nagkaroon nga po ng insidente dahil—parang noong ginagawa ng mga Chinese Coast Guard dito sa ating bansa, iyong Vietnamese fishermen naman ang napagtripan ng mga Chinese law enforcement authorities at pinapaalis iyong mga mangingisdang Vietnamese doon sa lugar na pasok naman sa teritoryo ng Vietnam.” —Malaya.
Sabi ng opisyal, nakatindig ang Pilipinas, bilang suporta sa Vietnam, lalo’t ginagawa rin ng China ang pangha-harass nito sa bansa, partikular sa mga mangingisda at Philippine vessel sa Scarborough Shoal at sa Bajo de Masinloc.
“Ang Pilipinas po ay hindi puwedeng manahimik dito kaya kumbaga sinasang-ayunan natin iyong naging protesta ng Vietnam dahil siyempre nasaktan iyong kanilang mga mangingisda at sinasang-ayunan natin at sinasamahan natin ang Vietnam sa pagprotesta nila sa naging karahasan laban sa mga mangingisda nila.” —Malaya. | ulat ni Racquel Bayan