Sa pagpapatuloy ng ika-pitong araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Halalan 2025, iba’t ibang personalidad ang nagpaabot ng kanilang kandidatura sa Tent City sa Manila Hotel.
Isa sa mga nag-file ng kanyang COC ay si dating Senator Bam Aquino, na tatakbo muli bilang senador sa ilalim ng Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino.
Matatandaang isa si Aquino sa mga prominenteng mambabatas na nagtulak ng iba’t ibang batas pangkabataan at pang-ekonomiya. Hindi naman ito nag-aalangan na muling magkakaroon kung sakali ng isang Presidenteng Marcos at Senador na Aquino, dahil madalas naman itong nangyayari sa mga nakaraang panahon.
Kasunod nito, naghain din ng kanyang kandidatura ang isang mangingisda sa ngalan ni Roberto Ballon. Bilang isa sa mga co-convenor ng “Atin Ito Movement” na nagsusulong ng karapatan sa Scarborough Shoal, iprinisinta ni Ballon ang kanyang mga adbokasiya para sa empowerment ng marginalized sector, proteksyon sa kalikasan, at pagbabago sa batas ng climate change upang magkaroon ito ng sapat na pondo.
Samantala, si Nelson Alcajas, na tumutok sa isyu ng rare diseases ay naging emosyonal habang nagpakilala sa entablado. Si Alcajas ay tumakbo rin sa pagka-senador. Personal ang motibasyon ni Alcajas sa kanyang kandidatura, dahil ang kanyang anak ay may congenital adrenal hyperplasia, kaya ginamit din nito ang kanyang oras para makapukaw ng atensyon ng DSWD at DOH tungkol sa nasabing rare disease.
Panghuli, senatorial aspirant Maria Fe Era ay naghain ng kanyang COC, ngunit nanatiling tahimik tungkol sa kanyang dahilan ng pagtakbo. Ayon sa kanya, mananatili itong lihim hanggang siya ay manalo upang mapanatili ang “suspense” sa kanyang kampanya. | ulat ni EJ Lazaro