Muling binigyang-diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na walang pamumulitika sa pamamahagi ng mga cash aid ng ahensya kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Ayuda para sa mga Kapos ang Kita Program (AKAP).
Sa isang pahayag, sinabi ng kalihim na walang pinipiling botante sa pagbibigay ng tulong, dahil nakalaan ang mga ayuda para sa mga mahihirap na lubos na nangangailangan ng tulong.
Ayon pa kay Sec. Gatchalian, ang mga ipinamamahaging ayuda ay dumadaan sa assessment at validation ng social workers.
Kaugnay nito, tinitiyak naman aniya ng DSWD na palaging sapat ang pondo nito para hindi magkulang ang ipinaabot na tulong sa mga mahihirap at nangangailangan.
Sa ngayon, nananatili aniya ang walang tigil na pagbibigay ng serbisyo at cash aid ng DSWD.
Ang AICS program ay nagbibigay ng benepisyo sa mga mahihirap na pamilya o indibidwal at nabibilang sa informal sector na humaharap sa krisis.
Habang ang AKAP ay nagbibigay ng tulong-pinansyal sa minimum wage earners o mga manggagawa na nasa low-income category at karaniwang apektado ng mga pagtaas ng bilihin o ng inflation.
Ayon sa DSWD chief, ang ayuda o assistance na ibinibigay ay maaaring nasa anyo ng family food packs (FFPs) na naka-pre-position sa mga warehouse ng ahensya sa iba’t ibang lugar sa bansa, at Emergency Cash Transfer (ECT). | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸 DSWD