Asahan na ang pagdami ng mga trabaho at oportunidad ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ito ang inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod ng pinakabagong labor force survey para sa buwan ng Agosto.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) bumaba sa 4 percent ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho nitong Agosto mula sa 4.7 percent na naitala noong Hulyo.
Tumaas din ayon sa PSA ang bilang ng mga may trabaho o negosyo sa 96% nitong Agosto o katumbas ng 49.15 milyong mga Pilipino.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, kasabay ng pagkakatala ng four-year-low inflation rate nitong Setyembre, kumpiyansa siya na magiging maganda rin ang panahon ng kapaskuhan para sa mga manggagawang Pilipino.
Dagdag pa ng kalihim, ang sapat na pamumuhunan sa sektor ng paggawa gayundin sa iba pang prayoridad na sektor ang susi upang maisakatuparan ang ganap na pagbabago na nakalatag sa Philippine Development Plan 2023-2028. | ulat ni Jaymark Dagala