Hindi magpapasindak ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa insidente ng pambobomba ng tubig ng Chinese Coastguard sa isang barko nito sa Bajo de Masinloc.
Sa pahayag ng BFAR, hindi mapipigilan ng insidente ang pagtupad ng BFAR sa misyon nito na magpatrolya sa lahat ng mga maritime zone ng Pilipinas.
Gayundin sa pagbibigay ng suporta sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea (WPS) alinsunod sa mandato nitong ipatupad ang mga alituntunin at regulasyon sa pamamahala, at pangangalaga ng mga yamang pangisdaan.
Sa kabila ng nangyaring delikadong maniobra ng Chinese Coast Guard, ang dalawang barko ng BFAR ay nakapag-supply muli sa mga mangingisdang Pilipino sa paligid ng Bajo de Masinloc.
Ang dalawang Multi-mission Offshore Vessel (MMOV) ay muling nag-supply sa kabuuang pitong mother boat at 16 na maliliit na fishing boat, na patuloy na nangingisda sa karagatan.
Pinuri ng BFAR ang propesyonalismo ng mga tauhan ng BFAR na magsasagawa ng mga misyong ito. | ulat ni Rey Ferrer