Inilatag na ng bagong talagang kalihim na si Sec. Jonvic Remulla ang ilan sa ipaprayoridad nito sa pamamahala sa Department of the Interior and Local Government.
Ito matapos ang pakikipagpulong kay dating Sec. Benhur Abalos at pormal na pag-turnover sa kanya ng pamumuno ng DILG.
Ayon kay Sec. Remulla, kasama sa itutulak nito ang structural reforms sa mga ahensyang nasa ilalim ng DILG, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nais din nitong paigtingin ang pagtugon ng lokal na pamahalaan (LGU) sa pangangailangan ng mamamayan sa tulong ng digitalisasyon.
Itataguyod din nito ang malawakang pagpapatupad sa bansa ng unified 911 response system.
Sinisimulan na aniya sa ngayon ang terms of reference para dito at target nitong i-bid out sa Hulyo ng 2025.
Bukod dito, kasama rin sa tututukan ng kalihim ang pagkakaroon ng maayos at mapayapang halalan sa susunod na taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa