Pormal nang inihain nina House Appropriation vice-chairs Stella Quimbo at Angelica Natasha Co ang ethics complaint laban sa kasamahan mambabatas na si AGRI party-list Rep. Wilbert Lee.
Nag-ugat ang reklamo na ito dahil sa ‘acts of aggression’ ni Lee kina Quimbo at Co noong budget deliberation sa plenaryo ng budget ng DOH at Philhealth noong September 25.
“This morning po, kami po ni Cong. Nikka we jointly filed a complaint before the committee on ethics against rep. lee for improper conduct during the budget hearing last September 25. So ito po yung DOH budget hearing. Kami po ay naging subjects of his acts of aggression noong araw na iyon,” saad ni Quimbo.
Giit ni Co, na kinatawan ng BHW party-list, ang paghahain nila ng reklamo sa ethics committee ay upang hindi na maulit ang insidente kung saan naramdaman nila na hindi sila ligtas sa mismong lugar ng kanilang paggawa.
Maliban sa panduduro at takot na kanila aniyang naramdaman dahil sa panunugod umano ni Lee, isa rin sa kanilang hindi matanggap ay ang ginawang pagmamanipula ng mga video ng insidente na ang mensahe ay taliwas sa tunay na nangyari.
Kaya’t umaasa siya na sa hakbang nilang ito ni Quimbo ay hindi na ito mauulit lalo at kaibigan ang turingan nila.
“It comes with a hope na hindi na ito mauulit sa kanino man, babae, lalaki, bata, matanda, dito sa Kongreso. Because I feel like in the past five years na nagtrabaho ako dito, masaya, masaya ang pagtatrabaho dito, kaibigan ng karamihan. It was the first time that I felt unsafe in a workplace and so I just don’t want it to be a precedent. And I know that he knows that coming from me already. Actually family friends kami talaga. Mahirap ito sa akin gawin sa kanya, pero again as I’ve mentioned, I despise the action and I just don’t want it to be a precedent to the next Congresses,” sabi naman ni Co.
Ipinapaubaya naman nina Quimbo at Co sa komite ang magiging aksyon o sanction laban kay Lee.
Sa unang pagkakataon naman ay nagsalita si Lee tungkol sa isyu at sinabi na iginagalang niya ang hakbang ng mga kasamahang mambabatas.
Hindi aniya niya intensyon na manakit o mam-bully, bagkus ay naging emosyonal lang sa pagsusulong ng mga reporma sa sektor ng kalusugan.
Hihintayin naman aniya niya ang pormal na kopya ng reklamo upang makatugon.
“Iginagalang po natin ito bilang karapatan ng kapwa natin mambabatas. Hinihintay lang po natin na makakuha ng opisyal na kopya para makatugon sa nasabing ethics complaint,” sabi ni Lee.
Hindi pa aniya personal na humihingi ng paumanhin si Lee sa kaniya, ngunit may ipinadalang sulat kay House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co kung saan kaniyang binanggit na ‘passionate’ lang siya sa kaniyang adhikain na mabago ang DOH at Philhealth.
Pero para sa Marikina solon na isang health economist at tagapagsulong din ng reporma sa Philhealth, hindi aniya ito dahilan para maging bayolente.
“Hindi naman sa pagmamayabang pero ako po ay isang health economist. Since 1991 I’ve been also advocating for health sector reforms. Ako po yung research assistant para sa batas ng pag-create ng Philhealth and my PHD dissertation was about Philhealth…hindi po kami nagkakalayo ni Rep. Lee sa aming advocacy, magkakapi po kami sa aming sense of duty, pero kailanman po, hindi ito excuse for me to be violent.” ani Quimbo.| ulat ni Kathleen Forbes