Umapela si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa mga ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa pagpapatupad ng Philippine Road Safety Plan for 2023 to 2028, na paigtingin ang road safety education campaign sa buong bansa.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng report ng World Health Organization (WHO) na ang bansang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na road fatality rate sa buong Asya.
Ibinigay na halimbawa ni Go, na kapag kumukuha ng driver’s license ay dapat aniyang tiyakin na nakasunod ang aplikante sa lahat ng requirements, at sa mga practical at theoretical lessons.
Ang ilan kasi aniya ay nagpapakuha na lang sa mga fixer para mapadali ang proseso.
Iginiit ni Go, na dapat ay alam ng isang nagmamaneho ang lahat ng tungkol sa kaligtasan sa kalsada para maprotektahan hindi lang ang buhay niya at ng kanyang pasahero, kung hindi maging ng mga naglalakad at nadadaanan nito sa kalsada.
Ipinunto ng senador, na base sa datos ng Department of Transportation (DOTr), sa 11,000 deaths na naitatala kada taon sa Pilipinas ay dahil sa aksidente sa kalsada.
Kadalasan aniyang dahilan ng mga aksidente na ito ang drunk driving, over speeding, at pagte-text habang nagmamaneho…mga bagay na dapat iwasan sa kalsada. | ulat ni Nimfa Asuncion