Arestado ang apat na indibidwal sa isinagawang operasyon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDG) laban sa iligal na pagre-refill ng mga tangke ng LPG sa Sto. Tomas City, Batangas.
Bitbit ang search warrant, sinalakay ng mga tauhan ng CIDG Batangas Field Office ang isang kumpanya dahil sa paglabag sa Republic Act No. 11592 o LPG Industry Regulation Act.
Nakumpiska sa operasyon ang iba’t ibang kagamitan sa pagre-refill ng LPG, kabilang ang gas filter, compressors, at mga tangke ng LPG na tinatayang nagkakahalaga ng P4 milyon.
Ayon kay PNP CIDG Director PBGen Nicolas Torre III, patuloy silang makikipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at tuluyang masugpo ang mga iligal na negosyo.| ulat ni Diane Lear