Sunod-sunod ang pagdating ng mga motoristang nais magpakarga sa mga gasolinahan mula pa kagabi hanggang kaninang madaling araw.
Tila hinahabol na kasi ng mga ito ang malakihang umento sa presyo ng mga produktong petrolyo, epektibo ngayong araw kung saan, ilan sa mga motorista ay nagpa-full tank na.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa San Juan City, sinabi ng ilang motorista na masakit sa bulsa ang bigtime price hike sa petroleum products na ipinatupad ng mga kumpaniya ng langis.
Nangangamba naman ang ilang nasa pampublikong transportasyon gaya ng Jeepney at Taxi drivers dahil tiyak na mababawasan ang kanilang kita.
Nabatid na ito na ang ikaapat na sunod na linggong may taas-presyo sa mga produktong petrolyo na aabot sa humigit kumulang ₱3 sa Gasolina, Diesel, at Kerosene. | ulat ni Jaymark Dagala