Para kay Senate Committee on Migrant Workers Chairperson Senador Raffy Tulfo, ang naisakatuparang pagbibigay ng pardon ng United Arab Emirates (UAE) sa 143 Pilipino ay bunga ng mahusay na liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa pakikipagtulungan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kabilang na ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Kinilala ni Tulfo ang puspusan at matagumpay na pakikipag uganayan ni Pangulong Marcos sa UAE, partikular na kay UAE President Sheik Mohamed bin Zayed.
Nagpasalamat rin ang senador sa UAE president sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa ating mga kababayan.
Umaasa si Tulfo na lalo pang mapapagtibay at mapapalawig ang kooperasyon at relasyon sa pagitan ng UAE at Pilipinas.
Pinasalamatan rin ni Senate Committee on Labor Chairperson Senador Joel Villanueva si Pangulong Marcos, sa pagprayoridad sa kapakanan ng ating mga kababayan at sa naging desisyon ng UAE government.
Para matulungan pa ang mga Pilipinong may hinaharap na mga kaso abroad, isinusulong ni Villanueva ang mas pinalawak na sistema sa paggamit ng legal assistance fund (Senate Bill 1448). | ulat ni Nimfa Asuncion