Naniniwala ang Tubbataha Management Office na aabot sa dami ng pre-pandemic guests ang bilang ng mga turista na darating sa Tubbataha Reef and Natural Park sa bayan ng Cagayancillo, Palawan para sa taong ito.
Sinabi ni John Andrew Cabiles, Information and tourism Officer ng Tubbataha Reef Natural Park na sa kasalukuyan ay umabot na sa 2,000 ang mga bisita ngayong 2023.
Aniya, nasa 140 boat trips na ang naitalang paglalayag sa nasabing kilalang diving spot simula Pebrero ng taong kasalukuyan.
Binubuo aniya ito ng nasa 15 yate na pabalik-balik sa Tubbataha Reef na may sakay na mga turista, partikular na mga scuba divers.
Halos hindi rin aniya nakaapekto sa dami ng turista ang paglubog ng dive yacht na MGY Dream Keeper nitong ika-30 ng Abril.
Patuloy aniya ang pagdating ng kanilang mga bisita sa Tubbataha na nais masaksihan ang magandang underwater environment ng Tubbataha Reefs. | ulat ni Lyzyl Pilapil | RP1 Palawan