Umaasa ang Council for the Welfare of Children na umusad na rin at maipasa sa lalong madaling panahon ang Magna Carta of Children (MCC).
Nakapaloob dito ang isang komprehensibong legal framework para sa proteksyon at kapakanan ng mga kabataan.
Sa isinagawang Talakayang Makabata, sinabi ni CWC Executive Dir. Usec. Angelo Tapales na una nang naipasa sa komite sa kamara ang panukala at nakasalang na rin ito sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Aniya, kasama sa pangunahing probisyon ng panukala ang pagbuo sa Philippine Commission on Children na tututok sa pagtataguyod ng kapakanan at karapatan ng lahat ng kabataang Pilipino.
Umaasa si Tapales na maisabatas na ang Magna Carta of Children (MCC) sa unang bahagi ng 2025 bago ang eleksyon.
Habang wala pa ito, patuloy ang apela ng CWC sa isang whole of society approach para mapangalagaan ang mga kabataan at mailayo sila sa anumang pangaabuso.
Nanawagan din ito sa publiko na simulan sa loob ng tahaman ang pangangalaga sa mga kabataan.
Sa buwan ng nobyembre, gugunitain ang 32nd National Children’s Month na nakasentro sa temang “Break the Prevalence, End the Violence: Protecting Children, Creating a Safe Philippines!” | ulat ni Merry Ann Bastasa