Inaasahang aabot sa bilang na higit sa 2.4 milyong biyahero mula Oktubre 21 hanggang Nobyembre 5 ang dadagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa paggunita ng mga Pilipino sa panahon ng Undas 2024.
Ayon sa pamunuan ng PITX, inaasahan nitong pinakamaraming dadagsang pasahero sa mga petsa ng Oktubre 30 at 31 sa bilang na humigit-kumulang sa 159,000 hanggang 175,000 o katumbas ng pagtaas ng mga biyahero sa 20%.
Bilang paghahanda, nakikipag-ugnayan na ang PITX sa Department of Transportation (DOTr), LTFRB, LTO, MMDA, at Philippine National Police (PNP) upang masigurado ang maayos at ligtas na biyahe.
Kabilang sa mga hakbang ang pag-isyu ng LTFRB ng mga special permit para sa mga bus, inspeksyon ng LTO sa mga PUVs para sa kaligtasan ng mga ito, at pagde-deploy ng MMDA ng mga ambulansya at enforcer para sa trapiko.
Pinaaalalahanan ng PITX ang mga biyahero na magtungo nang maaga at suriin ang iskedyul ng kanilang mga bus para sa mas maayos na biyahe ngayong Undas. | ulat ni EJ Lazaro