Ipinakilala sa publiko ng Earthsavers DREAMS Ensemble (ESDE) sa isang kaganapan sa Manila City Hall Clock Tower ang dalawang makabuluhang likhang sining na humihikayat sa pagtugon sa United Nations (UN) Sustainable Development Goals (SGD’s) ngayong UN Month.
Ang unang likhang sining, na tinawag na Tawid Dagat, na hango sa The Raft of the Medusa ni Théodore Géricault, ay sumasalamin sa krisis ng migrasyon sa buong mundo.
Ipinapakita ng nasabing obra ang hirap ng mga refugees at migrante na napilitang lumikas dahil sa kahirapan, mga kalamidad, at marahas na mga tunggalian. Sumisimbolo ang likha ng katatagan at pag-asa, at hinihikayat ang pagtugon sa SDGs 1, 10, at 16—na nakatuon sa paglaban sa kahirapan, pagbabawas ng hindi pagkakapantay-pantay, at pagpapanatili ng kapayapaan. Likhang-sining ito nina Edmond Rivera, Ken Luague, Salvi Niko Juan, at Leorhislance Gomez sa ilalim ng direksyon ni Manny Garibay, kung saan ipinapakita ang pangangailangan ng inklusibong pamahalaan at pagbuo ng kapayapaan upang tugunan ang mga ugat ng forced migration.
Ang ikalawang likhang sining ay pinangalanang Pinalikas, na hango sa Famille de Saltimbanques ni Pablo Picasso, ay naglalarawan ng sapilitang paglikas ng isang pamilyang Lumad mula sa kanilang lupaing ninuno.
Ayon sa mga artists, ipinapakita nito ang mas malawak na pakikibaka ng mga katutubong komunidad na nawawalan ng lupa dahil sa interes ng mga korporasyon, na sumasalamin sa mga SDGs 10, 15, at 16—na tumutukoy sa pagbabawas ng hindi pagkakapantay-pantay, katarungan, at proteksyon ng kalikasan. Ipinapahayag nito ang pangangailangang ipagtanggol ang mga karapatan ng mga katutubo at ang wastong paggamit ng mga lupaing likas.
Kasama sa isinagawang paglalahad ng mga obra ay mga kawani mula sa iba’t ibang organisasyon mula sa pamahalaan tulad ng Presidential Communications Office (PCO), Department of Tourism (DOT), Department of Education (DepEd), mga dignitaries mula sa diplomatic corps, mga estudyante, mga kinatawan mula sa Manila City Clock Tower Museum, at marami pang iba.
Nataon din ang pagpapakilala sa mga likhang-sining sa selebrasyon ng United Nations Month at lima pang UN observance para sa buwan ng Oktubre.| ulat ni EJ Lazaro