Pinalalakas ng Department of Energy (DOE) ang isinasagawa nitong pagmamanman sa mga proyekto ng renewable energy upang matiyak na napapatupad at nagagawa ang mga ito takdang oras.
Sa ilalim ng bagong guidelines, pinasimple nito ang mga administrative processes para mabasawasan ang mga pagkaantala sa mga proyekto at pino-promote ang pananagutan ng mga developer.
Ayon sa DOE, mahigit sa 100 proyekto ang nahaharap ngayon sa kanselasyon ng kontrata dahil sa mga pagkaantala, kung saan 88 sa mga ito ay mga proyektong walang mga pag-usad.
Ayon kay Energy Undersecretary Rowena Cristina Guevara, kanilang bubuksan sa mga bagong developer ang mga non-performing contract na hindi nakakasunod sa timeline ng proyekto.
Kaya naman, para mabawasan ang mga delay, ilang pagbabago ang ginawa ng DOE sa ilalim ng revised omnibus guideline tulad ng pagkuha ng certificate of authority (COA) bago lumagda ng renewable energy contract at pag-streamline ng permitting process sa pamamagitan ng Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) System.
Sa huling tala ng DOE nitong Hunyo 2024, hindi bababa sa 1,435 service contracts na may kabuuang potensyal na kapasidad na higit sa 156,700 megawatts ang iginawad sa mga developer ng renewable energy kung saan 6,100 MW dito ay nai-install na.
Layon ng bansa na pataasin ang bahagi ng renewable energy sa generation mix sa 35% sa 2030 at 50% pagsapit ng 2040. | ulat ni EJ Lazaro