Inalerto na ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka at mangingisda sa posibleng banta ng bagyong Kristine.
Batay sa abiso ng PAGASA, kabilang sa inaasahang maapektuhan ng bagyo ang Cagayan Valley Region, Bicol, at Eastern Samar.
Kaya naman, ngayon pa lang ay inabisuhan na ng DA ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga palay at mga gulay bago pa maapektuhan ng pag-ulan at malakas na hangin na dala ng bagyo.
Ilagay sa ligtas na lugar ang mga reserbang binhi, planting materials, farm inputs, at farm machineries.
Pinalilinis na rin ang mga daluyan ng tubig sa mga irigasyon at mga pilapil upang maiwasan ang mga pagbaha.
Maging ang mga mangingisda ay pinayuhan na ring hanguin ng maaga ng mga isda at ipagpaliban na muna ang pagpapalaot lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng malakas na hangin at alon dahil sa bagyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa