Pormal na tinurnover ng Quad Committee ng Kamara ngayong araw sa Office of the Solicitor General ang mga dokumento na may kaugnayan sa mga chinese nationals na iligal na nakabili ng mga ari-arian at lupain sa bansa gamit ang pekeng birth certificate.
Umaasa ang Quad Comm na sa pamamagitan ng mga dokumentong ito ay pormal na makapagsagawa ng imbestigasyon ang SolGen at mabawi sa pamamagitan ng civil forfeiture ng mga ari-ariang iligal na nakamkam.
“…part of the recommendation of the Committee, the Quadcommittee is to turn over these documents to the Office of the Solicitor General in order to conduct their own investigation for possible, for future proceedings for these properties. Malaki ang na-discover dito sa laki ng lupang nabili ng mga Chinese nationals na alam naman po natin that the Constitution prohibits foreign nationals from acquiring 100 percent ownership ng ating mga lupa at ng mga pagtatayuan ng mga korporasyon.” ani Quad Comm lead chair Robert Ace Barbers
Kasama sa mga Chinese nationals na ito si Aedy Tai Yang na konektado sa kompanyang Empire 999 na siayng may-ari ng warehouse na kung saan natagpouan ang P3.6 billion na halaga ng shabu sa Mexico Pampanga.
Bahagi ng mga dokumentong isinumite ang PSA-issued birth certificate ni Yang na kaniyang nakuha noong 2004 sa kabila na 1983 aniya siya pinanganak; marriage certificate ni Yang, tax declaration ng mga ari-arian at kompanya sa ilalim ng kaniyang pangalan gaya ng Empire 999 Realy Corporation at Sunflare Industrial Supply Corp.
Sa liham ng Quad Comm kay Solicitor General Menardo Guevarra, iginiit ng mga chairperson na mahalagang maibestigahan na ito agad dahil isa itong banta sa ationg national security.
Umaasa naman ang Quad Comm na makapaglabas din ang SolGen ng tinatawag na asset preservation upang maiwasang maibenta pa ang naturang mga ari-arian.
“Si Executive Secretary Lucas Bersamint issued a preservation asset doon sa Bamban na kung saan naka-preserve yung asset nila para hindi na mabenta. Sana yung nire-request natin sa Solicitor General to coordinate with the Executive Secretary in order to issue agad yung ating asset of preservation while they are doing yung mga [documentary review] that need to be done para makapag-issue sila ng preservation of all assets.” sabi ni Quad Comm co-chair Dan Fernandez
Sina Assistant Solicitor Generals Hermes L. Ocampo at Gilbert U. Medrano at Senior State Solicitor Neil Lorenzo, ang tumanggap ng mga dokumento.
Sa pagtaya ng QuadComm nasa 300 land titles ang nakapangalan kay Yang.
Maliban kay Yang, kasama rin sa mga maiimbestigahan ang isang Willy Ong na konektado rin sa warehouse sa Mexico at si Tony Yang, kapatid ng dating presidential adviser na si Michael Yang,
Sa ilalim ng ating Saligang Batas, hindi pinapayagan ang pag-mamay ari ng mga dayuhan ng lupain. | ulat ni Kathleen Forbes