Inabisuhan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na paghandaan ang pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa isang memorandum, inatasan ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang mga LGU, na ipatawag ang kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) para magsagawa ng pre-disaster risk assessments.
Dapat na ring magsagawa ng mga regular na pagpupulong ang LDRRMC upang matiyak ang mga paghahanda at napapanahong aksyon sa pagtugon.
Inaatasan din ang mga LGU, na buhayin ang mga barangay DRRMC para sa early warning measures at vigilant monitoring sa mga lugar.
Dapat rin aniya nilang paghandaan ang preemptive o mandatory evacuation sa mga lugar na may mataas hanggang napakataas na susceptibility sa storm surge, baha, at pagguho ng lupa.
Sabi pa ng kalihim, na kailangang maisagawa ang lahat ng kinakailangang aksyon batay sa mga protocol ng Operation L!STO at DILG Memorandum Circular 2024-074, na tumutukoy sa mga paghahanda ng mga LGU para sa panahon ng tag-ulan ngayong taon. | ulat ni Rey Ferrer