Kasado na ang response effort ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang maapektuhan ng bagyong Kristine.
Tiniyak ito sa pulong ng mga opisyal ng DSWD Disaster Response Command Center (DRCC) kasama ang mga regional director ng kagawaran upang talakayin ang hakbang para matugunan ang epekto ng bagyo.
Sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, inatasan ni DRMG Undersecretary Diana Cajipe ang mga field office na maging alerto sa disaster response at siguruhing may sapat na relief packs para sa mga LGU.
Tinalakay rin ang mga paraan para mapabilis ang koordinasyon sa pagpapadala ng family food packs (FFPs).
Una na ring iniutos ni Sec. Gatchalian ang maagang resource augmentation sa mga lalawigang matatamaan ng bagyo.
Pinabibilis na rin ang repacking ng family food packs sa National Resource Operations Center (NROC) ng ahensya sa Pasay.
Nasa halos ₱3-billion ang available namang relief resources ng DSWD kabilang ang standby funds at stockpile ng food packs at non food items. | ulat ni Merry Ann Bastasa