Itinaas ng Office of Civil Defense (OCD) ang “Charlie” protocol o ang pinakamataas na paghahanda sa pitong rehiyon sa bansa. Ito’y bilang kagyat na pagtugon sa potensyal na epektong dulot ng Tropical Depression Kristine.
Kabilang sa mga inilagay ng OCD sa “Charlie” protocol ay ang mga rehiyon ng Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), at MIMAROPA (Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, at Palawan). Gayundin ang mga rehiyon ng Bicol at Eastern Visayas na siyang unang tatamaan ng hagupit ng bagyo.
Ibig sabihin, kinakailangang paigtingin ang paghahanda sa mga nabanggit na lugar dahil mataas ang banta ng landslide at flashflood.
Samantala, nakataas naman ang “Bravo” protocol sa mga rehiyon ng Ilocos at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Gayunman, inaabisuhan pa rin ang mga residente sa nasabing lugar na paigtingin ang kanilang paghahanda.
Habang nakapailalim naman sa “Alpha” protocol ang National Capital Region (NCR), Western Visayas, at Central Visayas. Gayundin naman ang mga rehiyon ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, at CARAGA.
Nangangahulugan naman ito na mahina o walang halos epekto ang naturang sama ng panahon subalit kailangan pa ring maging handa sa anumang posibilidad. | ulat ni Jaymark Dagala