Nakikipag-ugnayan na ang Office of Civil Defense (OCD) sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa maagap na pagbibigay abiso sa publiko kaugnay ng bagyong Kristine.
Katunayan, nakatakdang magpulong ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para sa kanilang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA).
Kabilang sa tatalakayin sa nasabing pulong ang paglalabas ng pinakahuling ulat ng panahon gayundin ng travel advisories upang agad na magabayan ang publiko. Gayundin ang pagpapagana sa National Response Clusters ng NDRRMC para sa kagyat na pagresponde sa sandaling lumala ang sitwasyon.
Batay sa pagtaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa mahigit 33 milyon ang posibleng maapektuhan ng bagyo na inaasahang lalakas pa sa susunod na araw. | ulat ni Jaymark Dagala