Inatasan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na paghandaan ang posibleng pananalasa ng bagyong Kristine sa bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, sa katunayan ay pinakilos na nila ang kanilang Disaster Response Unit gayundin ang kanilang Search and Rescue Teams para tumugon sa kalamidad.
Naka-standby na rin ang karagdagan nilang mga tauhan para umalalay sa mga residenteng ililikas gayundin sa pamamahagi ng ayuda.
Batay sa pinakahuling datos mula sa PAGASA, lumakas pa ang bagyong Kristine na huling namataan sa silangan ng Virac sa Catanduanes.
Dahil dito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, gayundin sa Mindanao. | ulat ni Jaymark Dagala