Photo courtesy of Bureau of Corrections
Kinumpirma ni Bureau of Corrections Director General Pio Catapang Jr. na nagpahayag na umano ng kahandaan ang San Miguel Corporation na makibahagi sa kanilang mga hakbang para sa kapakinabangan ng mga lumalayang mga PDL.
Ayon kay Catapang, handang kuning empleyado ni Ramon Ang, may-ari ng San Miguel Corporation, ang mga PDL na nakapagtapos ng degree courses sa University of Perpetual Help System Dalta – Bilibid Extension School (UPHSD-BES) program.
Una nang pumasok sa kasunduan sa BuCor ang BP One Foods Inc. para sa pagtanggap ng mga lumayang PDLs at mabigyan ng trabaho ang mga ito.
Paliwanag ni Catapang, ang naturang mga hakbang ay simula pa lamang ng pagpapalakas ng BuCor sa pakikipagtulungan sa business sector.
Layon aniya nila na magsagawa ng mas maraming kahalintulad na kolaborasyon para mabigyan ng produktibong buhay ang mga PDL at makapagbigay ng positibong ambag sa komunidad. | ulat ni Lorenz Tanjoco