Kinumpirma ni Senate Minority leader Koko Pimentel na kabilang na sa iimbitahan sa magiging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee sa Lunes si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Pimentel, nakausap niya kahapon si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa at sinabi nitong handang dumalo sa Senate inquiry si dating Pangulong Duterte.
Pero nilinaw ni Pimentel na bagamat iimbitahan si Duterte ay hindi niya matitiyak na dadalo ito sa pagdinig sa Lunes dahil nakadepende pa rin ito sa dating pangulo.
Bukod kay dating Pangulong Duterte, iimbitahan rin ng Senate panel sa pagdinig sina dating PCSO General Manager Royina Garma, drug lord na si Kerwin Espinosa, dating Senadora Leila de Lima, at dating National Police Commission (napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo.
Sinabi ng minority leader na ngayong araw nila ipapadala ang mga imbitasyon para sa pagdinig.| ulat ni Nimfa Asuncion