Inatasan ng House Quad Committee na maglabas ng show cause order laban sa ilang personalidad na binaggit ni dating PCSO General Manager at retired Police Colonel Royina Garma, na bahagi ng malawakang war on drugs task force noong nakaraang administrasyon.
Kasama rito si Irmina Espino alyas ‘Muking’, na ani Garma ay siyang humahawak umano sa financial operations ng reward system sa war on drugs.
Hindi dumalo si Muking sa kabila ng imbitasyong ipinadala ng Komite.
Ayon sa Committee Secretariat, ipinadala ito sa tanggapan ni Senator Bong Go dahil sinasabing staff ito ng senador.
“Ms. Muking has not presented herself but we sent an invitation through the office of the Senator.” sabi ng Quad Comm Committee Secretary
“With that Mr. Chairman I move to issue a show cause order for Irwina “Muking”Espina for her absence in today’s hearing.” Sabi ni Quad Comm co-chair Joseph Stephen Paduano.
Pinaglalabas rin ng show cause order kay Peter Parungo.
Sa salaysay ni Garma, sa mga bank account ni Parungo idinadaan ang pera para sa operasyon ng war on drugs.
Sabi naman ni CIDG Chief General Nicolas Torre III, na naisilbi nila ang imbitasypon sa kaniyang bahay sa Davao City at tinanggap ng kaniyang asawa.
Dahil dito pinagpapaliwanag ni Paduano si Parungo kung bakit hindi siya dapat ipa-contempt dahil sa hindi pagdalo.
Kasama rin sa pinai-isyuhan ng show cause order sina Rommel Bactat, Rodel Cerbo, at Michael Palma, na itinuro ni Garma bilang taga-kolekta at taga-verify ng impormasyon mula sa mga police officer ukol sa mga pag-aresto o pagkamatay ng mga indibidwal na nasa drug list.
Pagdating naman kay Lester Berganio na nagko-compile ng naturang reports at may hawak ng drug list, sinabi ni Torre na hinahanap pa nila ang address nito para maisilbi ang imbitasyon.
“We have not found any address for Mr. Bergano at the moment, sir. We are still locating any known address, sir.” sabi ni Torre
“Once again, Mr. Chairman, we will direct Comsec to coordinate with the PNP to once again invite certain Mr. Bergano.” Mosyon ni Paduano.
Ayon kay Garma, ang mga personalidad na ito ay pinili ni resigned NAPOLCOM Chief Edilberto Leonardo na kaniya naman inirekomenda kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para ipatupad ang Davao Model na war on drugs sa buong bansa. | ulat ni Kathleen Forbes