Pumalag na rin si Presidential son at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos sa mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte.
Sa inilabas niyang statement, sinabi ng nakababatang Marcos na hindi siya nagsalita sa mahabang panahon bilang respeto sa bise presidente at opisina na kaniyang kinakatawan.
Ngunit bilang isa aniyang anak, hindi siya maaaring manahimik nang magbanta ang pangalawang pangulo na hukayin ang namayapa nang pangulo at pugutan ng ulo ang nakaupong presidente.
“For all this time, I have held my tongue out of respect for the Vice President given the mandate she was given and the responsibility which her office
holds. However, as a son, I cannot stay silent while she threatens to exhume a former president and behead an incumbent one. Besides, her bizarre temper tantrum has been condemned by a nation horrified from such displays of insensitivity towards the dead and cruelty to the living,” ani Rep. Sandro Marcos.
Sabi pa niya kalimutan nang ang mga pinatungkulan ng bise presidente ay mga taong malapit sa kaniya ngunit responsibilidad niya bilang kinatawan ng mga Ilocano na kondenahin ang mga walang katuturang komento, bagay na maging ang kaniyang mga kababayan sa Norte ay tinutuligsa rin.
Dagdag pa niya, walang anomang salitang binitiwan ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para punahin ang kaniyang tirada.
Pinayuhan din aniya siya ng kaniyang ama na huwag nang magsalita ngunit may hangganan aniya ang pananahimik.
“For his part, the President had not said anything against her that can be remotely construed even as a mild rebuke against her tirades. He even advised me to withhold my disappointment and refrain from making a statement. However, one must draw the line at some point and it’s frankly long overdue,” sabi pa ng Ilocos solon.
Sumobra na aniya ang bise presidente nang magpadala sa emosyon at kalimutang maaaring idaan sa maayos na diskusyon ang hindi pagkakaunawaan.
Payo naman ni Marcos na magsilbi itong pagkakataon na alagaan ng bawat isa ang ating mental health at umaasa siyang nasa mabuting kalagayan ang bise.
“Let this be an opportune time to remind ourselves that we mustn’t take our mental health for granted and that above all else sincerely hope she is okay,” paglalahad pa niya.
Kasabay nito muling binigyang diin ng Senior Deputy Majority Leader ng Kamara, na hangad pa rin niya ang ikabubuti ng bise presidente dahil ang ikatatagumpay niya, gaya ng tagumpay ng Pangulo ay para sa kabutihan ng bawat Pilipino.
Umaasa rin siya na sana’y maging payapa na ang isipan ng pangalawang Pangulo.
“As such, I still wish the Vice President well. UItimately, her success, like the President’s, will be the success of our nation as a whole. May she find the
peace of mind and mental clarity that seems to be eluding her,” pagtatapos ni Marcos.| ulat ni Kathleen Forbes