Inilunsad ng Police Regional Office 5 ang malawakang evacuation at rescue operations sa iba’t ibang lugar sa Bicol Region isa sa mga matinding hinagupit ng Bagyong Kristine.
Sa ulat na ipinarating ni Police Regional Office 5 Director, PBGen. Andre Dizon sa Kampo Crame, kasama sa mga lugar kung saan isinasagawa ang paglilikas ng mga pulis ay sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur at Sorsogon.
Mahigpit din aniya ang pakikipag-ugnayan nila sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Office gayundin sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para sa mabilis na pagresponde.
Sa ngayon, sinabi ni Dizon na naka-full alert ang kanilang hanay bilang bahagi ng kanilang pagtugon sa pananalasa ng bagyo.
Kasabay ng rescue operations, nagpaalala ang Police Regional Office 5 sa publiko na iwasan ang pagpunta sa mga mababang lugar at mag-ingat sa mga landslide-prone areas. | ulat ni Jaymark Dagala