Bumaba ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nagsabing sila ay naghirap at nakaranas ng gutom sa ikatlong quarter ng 2024, batay sa resulta ng OCTA Research survey.
Sa pinakahuling Tugon ng Masa survey, lumalabas na bumaba sa 43% o tinatayang 11.3 milyong pamilya sa bansa ang itinuturing ang sarili na mahirap.
Nasa limang porsyentong agwat ito mula sa 48% self rated poverty noong Hunyo.
Ayon sa OCTA, kumakatawan ito sa nasa higit isang milyong pamilya na nakaahon na sa kahirapan.
“The 5-percentage point drop equates to a reduction of around 1.4 million families no
longer considering themselves poor, underscoring a notable shift in self-perceptions of
poverty during the period,” ayon sa OCTA.
Sa kabuuan, bumaba ng 7% ang self-rated poverty sa Balance Luzon at 17% naman sa Mindanao.
Samantala, bumaba rin sa 11% o katumbas ng 2.9 milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger sa ikatlong quarter ng 2024.
Mas mababa rin ito ng 5% kumpara sa 16% self rated hunger rate noong 2nd quarter ng taon.
Naitala sa Mindanao ang may malaking pagbaba ng self rated hunger.
Isinagawa ang Tugon ng Masa survey mula August 28 hanggang September 2 sa 1,200 respondents nationwide. | ulat ni Merry Ann Bastasa