Kalmado at hindi gaanong mataas ang lebel ng tubig sa spillway sa Barangay 5, Lucena City, sa kabila ng magdamag na pag-ulan sa lungsod. Gayunpaman, hindi na pinadadaanan ang spillway upang makaiwas sa disgrasya ang mga motorista.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas Lucena, isang puno rin ang natumba sa kahabaan ng Maharlika Highway, sa tapat ng Centro Pastoral Parish Church, Barangay Isabang.
Sa Sariaya, passable pa as of 6:00 AM ngayong araw ang Tumbaga-Canda Spillway sa Sariaya, Quezon. Pinapaalalahanan ang mga dadaan na mabuhangin at maputik sa spillway, kaya’t dapat maging marahan lamang upang maiwasan ang aksidente.
Dahil sa patuloy na buhos ng ulan na dulot ng Bagyong Kristine, mabilis namang tumaas ang turbidity level o paglabo ng tubig sa Mabilog Reservoir sa San Narciso, Quezon, dala ng mga putik na pumapasok mula sa mga bundok na konektado sa Mabilog.
Upang mapalinaw ang tubig, magsasagawa ng pagpapaawas ng hydrants ang WaterWorks maintenance team. Pinapayuhan ang lahat na maaaring magpaawas sa kani-kanilang mga gripo upang mapabilis ang pagpapalinaw ng tubig at maalis ang mga putik na pumasok sa mga tubo. | ulat ni Carmi Isles | RP1 Lucena