Tiniyak ngayon ng National Food Authority (NFA) na may handa itong sapat na suplay ng bigas para sa emergency at relief operations ng mga lalawigang nakararanas ng epekto ng Bagyong Kristine.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, inatasan na nito ang lahat ng regional office na maging alerto para sa anumang request ng mga apektadong LGU.
Mananatili rin aniyang bukas ang lahat ng warehouse ng NFA sa buong bansa para sa mabilis na pagtugon sa mga apektadong LGU.
Kasama sa pinatututukan ni Admin. Lacson ang Bicol Region kung saan may inisyal na aniyang 1,000 sako ng bigas na request ang Sorsogon at Catanduanes LGU.
Handa naman aniya nila itong tugunan lalo’t nasa 4.3 milyong sako ng NFA rice ang naka-standby sa iba’t ibang warehouse sa bansa.
Sa ngayon, nag-iikot si Admin. Lacson sa iba’t ibang warehouse para personal na inspeksyunin ang mga pinag-iimbakan ng bigas.
Kaugnay nito, pinatitiyak rin ni Lacson sa mga regional office na walang warehouse ang maapektuhan ng kalamidad at walang bigas ang mababasa. | ulat ni Merry Ann Bastasa