Pinasisiguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magiging maayos at ligtas ang gagawing power restoration, para sa mga lugar na nawalan o mawawalan ng kuryente, dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine sa bansa.
Sa situation briefing sa NDRRMC, sinabi ng Pangulo na bagamat kailangan ang agarang pagpapanumbalik ng kuryente, dapat ring siguruhin na hindi ito gagawing bara-bara.
“It’s a perfectly reasonable demand to bring back the power as quickly as possible. Andaming hindi magawa hangga’t may power.” -Pangulong Marcos
Kailangan aniyang isaalang-alang ang long-term na epekto sa mga power restoration na ito.
“It’s really we all want to bring the power back as quickly as possible. Pero, bawat metro ng linya kailangan inspeksyonin eh, na walang putol, na walang nagshort, kundi pag in-on iyan puputok lang lahat iyan, magkasunog pa, may masaktan pa.” —Pangulong Marcos
Dapat rin aniyang masiguro na hindi minadali, magiging ligtas, hindi magiging sanhi ng sunog, at iba lang aksidente, at pangmatagalan ang mga gagawing pagsasaayos sa mga linya ng kuryente.
“I don’t know how we get around that. Because talagang there’s a very, very strong demand: “Ibalik n’yo ‘yung kuryente kaagad. As quickly as possible. Bilis, bilis, bilis.” So kung ano-ano na lang ginagawa. Kaya ‘yung mga nakikita n’yo na wire na buhol-buhol dahil nagmamadali. Tapos dapat babalikan, pero hindi na binabalikan. So we have to be conscious of that so that we make our systems more robust.” —Pangulong Marcos
Bagay na sinang-ayunan naman ni Energy Secretary Raphael Lotilla.
“As you’ve pointed-out, we have to avoid the possible electrocution of the people, that’s why we have to check the land first, NEA coordinated that with the coops before we can restore.” —Sec Lotilla. | ulat ni Racquel Bayan