Sinabi ng isang self-confessed member ng private army ni Pastor Apollo Quiboloy na tinatawag na ‘Angels of Death’ sa pagdinig ng Senate Committee on Women na utos ng religious leader ang mga pagpatay sa mga tumitiwalag at nagkakasalang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ayon kay Edward Ablaza Masayon, bahagi siya ng 2nd Metro Davao Signal Battalion na nasa ilalim ng SMNI at sinasabing may kaugnayan din sa Task Force Davao.
Ang mga kasapi aniya nito ay galing sa Philippine Army Affiliated Reserve Unit (PAARU) at sa 11th Regional Community Defense Group na reserve command ng Philippine Army.
Mapapabilang aniya sa private army ni Quiboloy oras na mapatunayan na ang loyalty sa KOJC.
Layon aniya nitong tugisin ang mga miyembrong lumalaban kay Quiboloy.
Ibinahagi ni Masayon ang kwento ng isang nakasama niya sa KOJC security compound na si Simon Tagnipis na inutusan umanong patayin si Domeng Jaruk, na datu ng Sitio Kahusayan sa Davao City, dahil ayaw nitong ibenta ang kanyang lupa kay Quiboloy.
Nang umalis aniya si Tagnipis sa KOJC ay hindi ito nakatanggap ng banta noong una dahil pinili nitong tumahimik.
Pero nang ideklara nitong laban na siya kay Quiboloy, kalaunan ay nabalitaan niyang pinatay na ito.
Itinanggi naman ni Quiboloy ang pagkakaroon ng private army at sinabing imbento lang ng mga nag-aakusa sa kanya ang ‘Angels of Death’. | ulat ni Nimfa Asuncion