Ibinahagi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sa ngayon ay wala pang natatanggap ang gobyerno ng Pilipinas na extradition case mula sa mga otoridad ng Estados Unidos para kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Sinabi ito ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa pagdinig ng Senate committee on women ngayong araw tungkol sa mga akusasyon ng sexual abuse at human trafficking laban kay Quiboloy.
Ipinaliwanag ni Manalo na mayroong extradition treaty ang Pilipinas at US.
Ayon sa kalihim, naka-standby naman ang DFA sakaling magsumite ng extradition request ang US.
Tiniyak naman ni Manalo na kung makakatanggap ng request ang Pilipinas ay pag-aaralan itong maigi ng DFA bago iturn over sa Department of Justice (DOJ) para maaksyunan.
Matatandaang maliban sa mga kasong kinakaharap sa Pilipinas, may kinakaharap ring mga kasong sex trafficking, conspiracy at cash smuggling sa Estados Unidos si Quiboloy at idineklara itong wanted ng Federal Bureau of Investigation mula sa taong 2021.
Samantala, ibinahagi rin ni Secretary Manalo na wala pa ring natatanggap ang kanilang ahensya na request for assistance mula sa mga Pilipino sa US na posibleng naging biktima rin ni Quiboloy. | ulat ni Nimfa Asuncion