Itinanggi ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy ang mga alegasyon ng pang aabuso na ibinabato sa kanya ng mga dating miyembro ng KOJC.
Sa pagharap ni Quiboloy sa pagdinig ng Senate Committee on Women ngayong araw, isa-isang tinanong ni Committee Chairperson Senator Risa Hontiveros sa religious leader ang mga akusasyon laban sa kanya.
Kabilang na dito ang claim ng Ukrainian na si Yulya Tartova na isa sa mga itinuturing na ‘pastoral’ o mga babaeng pinipilit na makipagtalik kay Quiboloy.
Wala rin aniya sa polisiya ng KOJC na magpalimos ng mga bata at matatandang miyembro nila.
Kaugnay naman ng naging alegasyon ni Teresita ‘Ging’ Valduhueza, na pinapag-dry fasting o ginutom ng ilang buwan, sinabi ni Quiboloy na wala silang polisiya sa KOJC na ipa-fasting ang mga tao para mamatay.
Gayunpaman, pinunto nitong ang fasting ng kanilang mga miyembro ay hindi pinipilit at boluntaryo itong ginagawa.
Tinabla naman ito ni Valduhueza at iginiit na hindi boluntaryo ang kanilang ginawang fasting, bagkus ay iniutos ito.
Nang matanong naman tungkol sa modus na pagpipilit na makasal ang dalawang mga miyembro nila na hindi magkarelasyon para makapanatili sa ibang bansa, iginiit ni Pastor Quiboloy ang kanyang right to remain silent at right against self incrimination. | ulat ni Nimfa Asuncion