Higit 100 pamilya, inilikas sa Brgy. Roxas, QC dahil sa pag-ulang dala ng bagyong Krisitne

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pansamantala ngayong nananatili sa dalawang evacuation center sa Brgy Roxas, Quezon City ang nasa 114 na pamilya o higit 400 residente na inilikas kasunod ng buhos ng ulang dala ng bagyong Kristine.

Isa ito sa mga barangay sa lungsod na madalas binabaha kapag may bagyo.

Kaninang madaling araw, nagkasa ng rescue efforts ang mga tauhan ng QC Urban Search and Rescue team sa barangay matapos umabot sa hanggang ulo ang baha sa ilang kabahayan.

Nasa 28 pamilya ang nailikas, na ang ilan ay kinailangang isakay sa rescue boat dahil sa taas ng baha.

Ayon naman sa mga tauhan ng barangay, hindi na naging pahirapan ang pag-rescue sa mga residente dahil kahapon pa nagsasagawa ng preemptive evacuation ang Quezon City local government.

Bukod sa Brgy. Roxas, nagkaroon na rin ng preemptive evacuation sa mga barangay ng Masambong, Sto. Domingo, Mariblo, Bagong Silangan, Apolonio Samson, Talayan, Tatalon, at Damayang Lagi.

Sa mga oras na ito, makulimlim pa rin ang kalangitan sa Quezon City bagamat wala nang ulan.

Inikot din ng RP1 team kanina ang ilang kalsadang sakop ng Brgy. Roxas at Araneta Avenue na humupa na rin ang baha. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us