Handa na ang may 34 na water filtration machines na binili ng Office of Civil Defense (OCD) na siyang ipadadala sa Bicol Region na siyang matinding hinagupit ng bagyong Kristine.
Ayon kay OCD Executive Director, Undersecretary Ariel Nepomuceno, dadalhin ang mga naturang makina sa mga evacuation center para makapagbigay ng malinis na tubig.
Tugon ito ani Nepomuceno sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bantayang maigi ang kalusugan at kapakanan ng mga nagsilikas dahil sa bagyo.
Una rito, sa isinagawang Command Conference ng OCD kahapon, tiniyak ni Nepomuceno sa Pangulo na kanilang tinututukan ang pagbibigay ng kagyat na tulong sa mga sinalanta sa Bicol Region.
Nakahanda na rin aniya ang mga tulong na kanilang ipadadala sa hilagang Luzon na siya namang sunod na nakatikim ng hagupit ng bagyo. | ulat ni Jaymark Dagala