Idedeploy na ng DSWD ang nasa 100 family water filtration kits para makatulong sa mga biktima ng Bagyong Kristine sa Bicol.
Ayon kay DSWD Special Asst to the Sec for Disaster and Management Group Leo Quintilla, kasama ito sa mga bagong innovation ng kagawaran para mapalawak ang pagbibigay ng tulong sa mga apektado ng kalamidad.
Sa DSWD Forum, sinabi ni SAS Quintilla na sa tulong ng filtration system, kayang linisin ang maruming tubig kasama ang tubig baha para mapakinabangan pa ng mga evacuee.
Ipapadala ito sa mga open evacuation center sa Bicol na kayang magfilter ng 1,200 litro ng tubig kada araw at pwedeng inumin ng hanggang 100 katao.
Una nang idineploy ang filtration kits sa Batanes na ginamit ng mga naapektuhan ng Bagyong Julian.
Samantala, bukod sa water filtration kits, target na rin ng DSWD na magdeploy ng mga ready to eat meals na ipandaragdag sa family food packs.
Sa ngayon, nasa procurement stage na ito at posibleng masimulang ipamahagi bago matapos ang 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa