Tinutugunan ngayon ng Provincial Government ng Albay ang mga pangangailangan ng mga apektadong lugar na dulot ng bagyong Kristine.
Ayon kay Engr. Dante Baclao, Provincial Engineer at concurrent Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Officer-In-Charge (OIC), tuloy-tuloy ang kanilang pamimigay ng logistic support gaya ng pagdadala ng relief goods kapag kinukulang na ng suplay ang mga local government unit (LGU) sa kanilang lalawigan.
Kinukumpirma pa nila ang datos sa mga naitalang casualty sa kanilang lalawigan.
May mga natanggap din silang report ng landslide sa mga lugar ng Guinobatan, Tiwi, Libon at Pio Duran.
Hindi rin madaanan ang ilang kalsadang papunta sa Pio Duran dahil sa mga naitalang landslides, ngunit tuloy-tuloy naman ang isinasagawa nilang clearing operations doon at sa iba pang mga lugar sa Albay.
Wala naman naitalang mga nawawalang indibidwal sa kasagsagan ng bagyo.
Dagdag pa ni Engr. Baclao, nangangailangan ngayon ng maiinom na tubig ang mga naapektuhan ng bagyo sa mga bayan ng Libon, Oas at Polangui.
Bukas naman ang kanilang ahensya na tumanggap ng tulong gaya ng maiinom na tubig. | ulat ni Paul Hapin, Radyo Pilipinas Albay