Pinaplantsa na ng pamahalaan ang pagtatayo pa ng mas maraming repacking facilities, upang bumilis pa ang pagbibigay ng ayuda sa mga komunidad na tatamaan ng anomang sakuna o kalamidad na papasok sa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na sa pamamagitan ng hakbang na ito masisiguro na bawat mangangailangang Pilipino, agad na makukuha ang kinakailangang assistance mula sa gobyerno.
“There are plans, part of the anticipatory actions to build one (repacking center), starting next year,” —Gatchalian.
Nais aniya ng pamahalaan, bukod sa mga regional, provincial, at municipal warehouse, mas kakalat pa sa bansa ang mga repacking centers ng tanggapan.
“So, we wanna make sure na bukod sa mga regional, provincial, municipal warehouse natin, ‘yung repacking center natin nakakalat rin dapat sa buong bansa. So, that’s something that we’re working on right now,” —Gatchalian.
Sa kasalukuyan, mayroong dalawang repacking center ang pamahalaan, isa sa Pasay na nagsisilbing National Resource Operations Center, at isa sa Cebu na tumutugon sa pangangailangan ng Visayas at Mindanao.
Sabi ng kalihim, pinag-aaralan na nila ang pagkakaroon ng repacking center sa Caraga Region partikular sa Butuan, na tututok sa pangangailangan ng mga residente sa eastern seaboard ng Visayas at Mindanao.
“The site has been given to us by the city government of Butuan right beside the airport,” —Gatchalian. | ulat ni Racquel Bayan