Sumunod na rin ang House Committee on Good Government and Public Accountability sa hakbang ng Quad Committee na huwag na muna magdaos ng pagdinig.
Dapat ay ipagpapatuloy ng House Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa paggamit ng pondo ng OVP at DepEd sa Lunes, October 28.
Pero ayon kay Manila Rep. Joel Chua, chairperson ng komite, abala pa ang lahat sa pagtugon sa epekto ng Bagyong Kristine kaya’t mas maigi na unahin na muna ang relief efforts.
Karamihan din aniya sa mga mambabatas ay nasa kani-kanilang distrito para alalayan ang kanilang mga kababayan.
“… nag-monitor pa lahat siyempre. I’m sure ang mga congressman sa mga district pa nila nag-antabay din, baka medyo mahirapan din tayo makakuha ng mga attendees,” sabi ni Chua.
Wala pa naman aniyang napagkasunduang petsa kung kailan ipagpapatuloy ang pagdinig. | ulat ni Kathleen Forbes